Monday, April 23, 2012

Kapag May Hirap, May Ginhawa


Maliit pa lang ako sinabi kuna sa aking sarili na ang aking kapalaran ay magiging iba  sa Tatay ko (sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa).

Ang ambisyon ko sa buhay ay simply lamang. Iyan ay ang magkaroon ng trabaho sa opisina at iyon ay tinatawag nila sa English:  “White Collar Job”. Naka uniporme at palaging malinis sa araw-araw.  Kung may kurbata mas maigi.  Ganoon ang nakita  ko sa aking sarili sa aking paglaki.  Ayaw ko ng pagiging mekaniko ng aking Tatay dahil sa dumi at maraming gawain ang kaaikibat nito.  Sa kanyang pagiging strikto at matapang sa trabaho, ako ay laging lumalayo para hindi mapag buntunan ng galit kapag ako ay nagkamali.  Maalala ko pa iyong sampal,  tadyak at bulyaw na naranasan ko noon ng bata pa ako.  Hindi naman dahil sa katangahan ko bagkus ay  ang rason ay ang aking pagiging bata at hindi bihasa sa mga bagay bagay na umuugnay sa mga makina.

Hindi komot strikto ang tatay ko, malupit na siya.  Doon ko nalaman at napagtanto na ang kanyang pagiging strikto ay para lang ako ay matuto at maging dalubhasa sa mga bagay bagay para din sa aking ikabubuti.  Siguro kung alam lamang ng Tatay ko ang tamang “Paraan ng Pagtuturo” siguro naging maalam din ako sa lahat ng bagay na gusto niyang ituro sa akin.  

Galit at pagkamuhi ang bumalot sa aking  katauhan sa pagiging strikto ng tatay ko.  Napadagdag pa sa hindi siya naniniwala sa kahalagahan ng edukasyon o pag-aaral.  Ang kanyang punto, hindi raw siya nag-aral.  Pero marunong siyang magbasa, magsulat.  Isa pa nga raw siyang dalubhasang mekaniko at nagawa niya iyon dahil lang sa karanasan at sang-ayon ako sa kanya ng  100 porsiyento.  Ang galing galing talaga ng Tatay ko.  Magaling din siyang mag-English dahil siya ay naturuan ng mga Amerkano noong panahon ng mga Hapon.  Pagiging karpintero, electrician, sabihin mo, alam niyang lahat iyon. Nakakabelieve talaga siya at doon ang naging panuntunan niya sa Buhay na kung gusto mong maging matagumpay sa buhay, karanasan lang daw ang magtuturo noon.  Pero noon iyon, bago na ang panahon ngayon.  Dapat nasa paaralan ka para matuto.

Kapag ako ay nag-aaral, siya ay nagagalit.  Sinasabihan na lang  akong tumulong sa mga gawain sa bahay.  Ang mapagmahal ko namang Nanay  (sumalangit din nawa ang kanyang kaluluwa) ay magsasabing doon na lang daw ako sa loob ng kuwarto at siya na ang bahala sa Tatay ko.  Naks ang sweet nila.   Sa Nanay ko maraming maraming salamat po at nandoon kayo  lagi  para alalayan ako sa aking pag-aaral.  Dahil po sa inyo, naipaglaban ko ang aking karapatan na makatapos para sa aking magandang kinabukasan.

Ang tatay ko ay malupit lamang kapag mayroon siyang ginagawa at kung wala naman, siya ay mabait na parang tupa.  Kung minsan, inaalisan ko siya ng puting buhok o puting bigote na ang gantimpala ay panonood  ng sine.  Na siya namang kanyang tinutupad.  Galante siya pag marami siyang pera.  Pag wala naman, huwag ka na lang lumapit baka isang malaking bigwas ang iyong makamtan.

Kahit sinasaktan ako ng Tatay ko, at alam ko din namang iyon ay dahil sa pagkakamali ko, paborito pa din ako ng Tatay ko dahil lahat ng aming mga bangka ay nakapangalan sa akin.  King Yaboy ang nakatatak sa mga iyon.  Kung ako ay Prinsipe “Amir” dito sa Saudi Arabia, ako pala ay hari na noong kamusmusan ko.  Sayang at nangasirang lahat ang mga iyon dahil sa sunod sunod na bagyo.

Sampung taon akong nagdiriwang ng aking kaarawan na may kasama pang sayawan.  Isang buong baboy din ang kinakatay para mapagsaluhan din ng lahat.   Iyan ay  dahil sa pangako ng aking Tatay na kapag wala ng lalaki na susunod pa sa akin.  Pero noong nagkasunod-sunod ng isinilang ang mga kapatid kong lalaki, bigla ring nawala ang sayawan at ang  pagkatay ng baboy. Tunay akong nalungkot, pero wala din naman akong magagawa.  

Nagsimula ding tumamlay ang aming kabuhayan sa dagat dahil sa sunod sunod na bagyong dumating  na nakasira sa lahat ng aming  bangka.  Nakatulong ng malaki ang pagiging mananahi ng aking mahal na Nanay na kung hindi siguro nalipasan na kami ng mga kapatid ko ng gutom.   Maalala kupa na kahit gabing gabi na, ang aking Nanay ay nananahi  pa rin,  para lang matubos at mabayaran ito para lang may makain kami kinaumagahan.  Doon nainiwala ako sa  kasabihang  “isang kahig, isang tuka” na tumutukoy sa aming pamilya.  Na kung hindi kakayod ang aking mahal na Nanay ay wala kaming mapagsasaluhan.

Sa kadahilanang humina ang aming kita sa dagat, napagpasyahan ng aking Nanay at Tatay na lumipat na lang sa isa sa mga bahay ng aking Tatay at doon nakapagpatayo sila ng isang Vulcanizing Shop na tinaguriang “Four Brothers Vulcanizing Shop”.

High School na ako noon at nakita ko na kahit papano’y nakatulong ang shop sa aming kabuhayan.  Naging masipag ang aking mga kapatid at lahat sila ay nakapagpatuloy sa kanilang pag-aaral at dalawa sa kanila ang nakapagtapos sa TESDA na kung saan naging matagumpay at  makapagtrabaho  sa ibang bansa.  

Dahil sa aking pagpupunyagi, ako rin ay nakatapos ng aking pag-aaral.  Hirap at pasakit ang aking ginawa para lamang matustusan ko ang aking pag-aaral.  Kinailangang magtrabaho ako sa gabi para may pantustos ako sa aking matrikula.  Nakatapos ako ng Associate in Secretarial Science (ASS) at nagkamit ng karangalan.  Doon ko nakita ang aking Tatay na lumuha habang ikinakabit ang aking medalya.  Siya ay tuwang tuwa at ipinagmalaki  ako sa lahat  dahil sa nakamit kong karangalan at kasama ng pagtatapos ko ng aking pag-aaral.  Natuwa din ako dahil sinabihan niya ang aking mga kapatid na sumunod sa aking mga yapak.  Napagwari ng aking ama na ang pag-aaral ay isang kayamanan na hindi makukuha ninuman bagkus ito ang magbibigay ng malakas na pundasyon para sa ikagaganda ng aming kinabukasan.

Bago ang aking ASS, ako din ay nakapasa sa proceso ng Study Now Pay Later Plan. Dapat sana Electronics and Communication Engineering ang kurso ko.  Sa kasamaang palad, hindi ko ito naipagpatuloy sa kadahilanang non-members ang aking mga magulang sa SSS o GSIS.  Dahil dito ay nagdesisyon na lang ako na kumuha ng 2-year course na ASS  para mapadaling  matanggap sa kahit anong kumpanya.  Dahil sa mahusay at matalino daw ako, bago ang aking pagtatapos, nakuha na kaagad akong magtrabaho sa DECS. 
Ipinagpatuloy ko ang aking 4-Year Course at nakatapos din ng  BSCommerce.  Bago pa man makagraduate, ako ay natanggap din kaagad  bilang Territory Manager sa Wyeth-Suaco Labs Incorporated.  Natapos ko ang aking tatlong taon doon  at nagdesisyon na pumunta ng Saudi.  Sa kasamaang palad ako ay hindi nagtagumpay.  Tama na naman ang kasabihang: "kung hindi ukol, di bubukol." Malaswang pakingggan pero ito ay nagpapahiwatig na: kung hindi nakatadhana sa iyo, ay hindi magiging iyo.  Dapat daw na maging positibo at magkaroon ng malakas na pananampalataya na harinawa makakamit mo rin ang iyong gusto sa tamang panahon.

Dahil sa ako ay may pananagutan na, kinailangan kong maghanap ng trabaho.  Ako ay naging guro sa kolehiyo ng DMMMSU at SLC.  At habang ako ay nagtuturo ako ay kinailangang ding kumuha ng MBA dahil ito raw ang patakaran sa pagtuturo sa kolehiyo.  Imbes na kumpletohin ang aking Thesis para matapos ko na ang aking MBA, ako ay natanggap sa Saudi na maging salesman ng ibat-ibang telepono.  Dahil sa maliit ang sahod, nag try akong mag-apply ulit sa ibang kumpanya na kung saan natanggap akong Secretary at naging Administrative Assistant  kalaunan sa isang malaking kumpanya sa Saudi na kung tawagin nila ay "SABIC.". 
 
Dito sa SABIC naipagpatuloy ko at natapos ko ang aking MBA at nakumpleto ko ang aking academic requirements sa PhD in Educational Management.   Kahit manawari ay hindi ko aakalain na makakatapos ako ng mas mataas na edukasyon  at magkamit  ng  mas mataas na karangalan.  Tama nga ang kasabihan na kapag may hirap, may ginhawa.

Ang ginhawa’t  tagumpay ko sa buhay  ay utang ko sa aking mga magulang, asawa’t mga anak.   At ang pasasalamat ng malaki sa Poong Maykapal na nagbigay sa akin ng lubos na  gabay at  lakas ng loob para tuparin ko ang aking mga mithiin sa Buhay.  Sa Kanyang patuloy na paggabay,  maraming maraming salamat po.

No comments:

Post a Comment